(ONE)
Maglaan ka ng isang araw para sa Kanya
Pumikit ng maiigi at bumulong ng pagsamba
Hindi lang mga hiling mo ang mahalaga
Maging pasasalamat ay nadidinig Niya
(TWO)
Maglaan ka ng isang araw para humabi
Ng kuwentong hindi tungkol sa sarili
Ng kuwentong magbibigay ng ngiti sa ibang labi
Ng kuwentong baon mo, saan ka man magawi
(THREE)
Maglaan ka ng isang araw upang ngumiti
Dahil nagawa mo ang bagay na iyong pinili
Dahil sinubukan mong ang iyong takot ay magapi
Dahil nagsikap ka at ikaw ay nagwagi
(FOUR)
Maglaan ka ng isang araw upang mag-alala
Dahil ang buhay ay tila isang nobela
Kung walang mga hadlang, parang hindi maganda
Parang wlaang saysay ang tagumpay ng bayaning bida
(FIVE)
Maglaan ka ng isang araw upang masdan ang langit
At pakinggan ang hangin sa malamyos niyang pag-awit
Huwag mahiyang ituro ang mga ibon sa himpapawid
Iwanang sandali, magulo mong paligid
(SIX)
Maglaan ka ng isang araw upang sumigaw
Upang alisin ang sakit kahit pa mapagaw
Upang bumalik sa tamang landas mula sa pagkakaligaw
Upang punuin ang dibdib ng apoy na ‘sing init ng araw
(SEVEN)
Maglaan ka ng isang araw upang umibig
Sa sarili, sa kapwa, sa bayan, sa agham at sa sining
Sa mga tao at bagay na nais mong kulungin
Sa loob ng iyong bisig bago magtakipsilim