tula

Mga Tugmang Sarkastiko

MGA TUGMANG SARKASTIKO

Tumitibok ang puso ko para sa’yo dahil kailangan nito ng ehersisyo.

Lagi kang nasa isip ko dahil matutuyo ang utak ko kapag walang laman ito.

Oo, ginagawa ko ang lahat ng bagay para sa sarili ko Kaya huwag kang maging hambog at sabihing ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ligaya at lungkot sa buhay ko.

Dahil makasarili at sakim ako, at minahal lamang kita dahil kailangang umibig ng puso ko.

Pinabayaan kong bitawan mo ako dahil pagod na ang mga kamay ko.

Pumayag akong saktan mo dahil namamanhid na ako at kailangan ko ng kirot.

At ngayon, lumuluha ako dahil kailangang mabasa ang mga mata ko.

Oo, para sa akin at hindi para sa’yo ang lahat ng ito.

Dahil para sa akin, walang ibang mahalaga dito sa mundo kundi ako, ako at tanging ako.

Ako at ang mga tugma kong sarkastiko.

Ako’y May Isang Tula: Double Murder

Illustration by Jho

puno ang punyal ng limahid ng kalawang

humalo ang madilaw na kulay nang ito’y mahawakan

ng makalyong palad ng lalaking ‘di alam ang pangalan

 

kasabay ng tahol ng aso sa tarangkahan

unti-unting nahutok ang hagdang kawayan

bago umingit ang gatóng sahig sa batalan

***

nakakapaso ang hulab ng hanging galing silangan

masarap ang dampi ng tubig lalo na’t pawisan

umaagos ang putik na maghapong dumikit sa katawan

 

gutom na ang asong nakatali sa tarangkahan

dalas-dalas na ang buhos, ang tabo ay taguktukan

naubos na ng yatyating matanda ang laman ng tapayan

***

dumikit ang pawis sa kalawanging punyal

bumagsak ang baong tabo sa pilak na tapayan

nagkulay-dugo ang putik habang iniiwan ang katawan

 

tahimik ang asong puting tila napainan

payapa ang gabing singkar ang kabanasan

ngunit malamig ang katawang nakalatag

sa gatóng sahig ng batalan

 

malamig ang tubig sa pisngi ng lalaking ‘di alam ang pangalan

kulay dugo ang mata habang kamay ay tinititigan

bumigay ang hagdanang kawayan nang muling niyapakan

patay na ang asong puti nang ito’y  madaanan

Ako’y May Isang Tula: Ang Lalaki Sa Lumang Dalawang Piso

Dalawang PisoKayong mga nasa katungkulan

Sana ang puno sa likod ko ay tularan

Handang magbigay ng tahanan

Handang pawiin ang uhaw ninuman

Handang lamnan ang sikmurang kumakalam

***

Sa Lalaki sa Lumang Piso

Kahanga-hanga ka, aking kaibigan

Dahil sa iyong kapuri- puring ambag sa ating bayan

Madaming kalye at eskwelahan

Sa iyo ay ipinangalan.

Hindi katulad ng iba diyan

Gamit ang salapi ng taumbayan

Nagpatayo ng ospital at paaralan

Nagpagawa ng kalsada at mga tulay

At dinikitan ng kanilang mga pangalan.

***

Sa Insekto Sa Likod ng Lumang Bente Singko Sentimo

Sana’y kagaya mo ang aking Inang Bayan

Makulay, malaya at walang pinangangambahan

Hindi kinatatakutan ng mga dayuhan

Ngunit handang lumaban kung kinakailangan

***

Sa Bulakalak Sa Likod ng Singko Sentimo

Sana ang lahat ng Pilipino

Aking munting halaman ay katulad mo

Hindi kahiya-hiyang ilagay sa pahina ng mga libro

Hindi madamot magbahagi ng bango

***

Sa Sungayang Hayop Sa Likod ng Lumang Piso

Sana ang mga kabataan sa ngayon

Taglayin ang mga katangiang ikaw ay mayroon

Sana’y handa silang maghila muna ng kariton

Bago manginain ng damo at lumaboy

***

Ang ating buhay ay parang barya

Minsa’y makalansing at mabigat sa bulsa

Ngunit kung tama ang pagkakaipon sa alkansiya

Sa araw-araw, may pamasahe ka