piso

Ako’y May Isang Tula: Ang Lalaki Sa Lumang Dalawang Piso

Dalawang PisoKayong mga nasa katungkulan

Sana ang puno sa likod ko ay tularan

Handang magbigay ng tahanan

Handang pawiin ang uhaw ninuman

Handang lamnan ang sikmurang kumakalam

***

Sa Lalaki sa Lumang Piso

Kahanga-hanga ka, aking kaibigan

Dahil sa iyong kapuri- puring ambag sa ating bayan

Madaming kalye at eskwelahan

Sa iyo ay ipinangalan.

Hindi katulad ng iba diyan

Gamit ang salapi ng taumbayan

Nagpatayo ng ospital at paaralan

Nagpagawa ng kalsada at mga tulay

At dinikitan ng kanilang mga pangalan.

***

Sa Insekto Sa Likod ng Lumang Bente Singko Sentimo

Sana’y kagaya mo ang aking Inang Bayan

Makulay, malaya at walang pinangangambahan

Hindi kinatatakutan ng mga dayuhan

Ngunit handang lumaban kung kinakailangan

***

Sa Bulakalak Sa Likod ng Singko Sentimo

Sana ang lahat ng Pilipino

Aking munting halaman ay katulad mo

Hindi kahiya-hiyang ilagay sa pahina ng mga libro

Hindi madamot magbahagi ng bango

***

Sa Sungayang Hayop Sa Likod ng Lumang Piso

Sana ang mga kabataan sa ngayon

Taglayin ang mga katangiang ikaw ay mayroon

Sana’y handa silang maghila muna ng kariton

Bago manginain ng damo at lumaboy

***

Ang ating buhay ay parang barya

Minsa’y makalansing at mabigat sa bulsa

Ngunit kung tama ang pagkakaipon sa alkansiya

Sa araw-araw, may pamasahe ka