fan

Ang Alaska At Ang Aking Kabataan

Image

Image courtesy of Alaska Aces Facebook Fanpage (CTTO)

Since hindi ko alam ang fate ng Alaska this conference, ipopost ko na ito.:)

 BABALA: Ang post na ito ay 30% tungkol sa Alaska, 70% tungkol sa childhood ko at 100% tungkol sa basketball fandom ko.

***

Sports minded talaga ako. As in nasa mind ko lang ang sports, hahaha. Mahilig lang manood pero hindi naglalaro. I am a Federer fan (tennis), Mavs fan (NBA), La Salle fan (amateur sports), etc. Pero of all the sports team / personalities, una akong naging fan ng Alaska.

***
That was 1995. I became a fan of Alaska after hearing a radio coverage of their game against Sunkist. I was 6 or 7 years old. Wala kasi kaming TV kaya sa radyo kami nakikinig ng mga PBA games. Mga early 2003 bago nagkaroon ng supply ng kuryente na abot hanggang sa bahay namin kaya kung meron mang may TV sa amin that time, ‘yung black and white na kinakabit sa baterya ng jeep. Yung tipong habang nauubos ang karga ng baterya, lumiliit yung screen, as in nagkaka-black yung gilid. At kung meron mang may TV, hindi naman nakakasagap ang antenna ng Channel 13 kung saan pinapalabas ang PBA.

Contrary to popular belief, masayang makinig ng game coverages sa radyo.  Kailangan mo lang gamitin ang imagination mo.

“COMMENTATOR: Abarrientos,nagtitimon ng bola, nasa kaliwa, ipinasa kay Hawkins sa ilalim, fu-make, masikip, inilabas kay Lastimosa, tumira ng tres, patay!”

O di ba? Napaka detailed, pero feeling ko pasok na ‘yung bola sa ring sa live, na kay Hawkins pa din ‘yung commentator, hehe.

Ang radyo namin if familiar kayo sa mga transistor radios ay ‘yung ang nagpapatakbo ay tatlong kulay pula at malaking Eveready battery. Tapos ‘pag 2nd game na may sumisingit na Chinese broadcast kaya kailangan laging i-fine tune o kaya iharap sa hilaga, timog, silangan at kanluran depende kung saan malakas ang signal. At kapag mahina na ang battery kailangang pukpukin para mabuhay.

Anyway, syempre hindi masaya sumubaybay ng PBA ‘pag walang kaasaran. So may pinsan ako, si Nanad (closest male cousin sa father side), fan naman sya ng Pepsi (Eugene Quilban, Dwight Lago,etc.).

1996. Nag – Grand Slam ang Alaska. Too bad, wala akong masyadong maalala sa mga panahong ito. Siguro kasi bata pa ako at ang alam ko lang basta nanalo ang favorite team ko, okay na. Kung may Facebook at Twitter na ng mga panahong iyon, sarap sigurong magyabang that time, hahaha. #GrandSlam #TimConeIsTheBest #ibakaTheFyingA #Jolas #TheJetComposure #TheHawk #ChambersBestImport #BoladoLuckyCharm. Basta ang alam ko wala akong particular na favorite player sa Alaska (kahit hanggang ngayon). Palagay ko, ang bagay na ito ang isa sa nakatulong para maging fan ako ng Alaska hanggang ngayon.

1997. Uso yung teks or cards (ano ba kasing tawag dun?) na ang picture sa unahan  ay NBA players. However, may version din na mga PBA players ang picture at may konting biography pa sa likod (although mas konti yung ganito). So same as teks yung laro, yung mag aapir kayo habang hawak ang teks (the picture of the player is in front) tapos ‘pag bagsak sa lupa, kung kanino yung nakatihaya (yung nasa ibabaw ang tao), siya ang panalo. Syempre ang pambato ko noon si Johnny Abarrientos (who cares about Michael Jordan or Pippen, etc. I don’t know them yet that time). Pero ang pinakamagaling ko talagang pambatong teks ang picture si Aerial Voyager, Vergel Meneses. Panalo lagi ‘yun kasi sobrang luma na and the way I remembered it, mas luma, mas papatak sa lupa nang nakatihaya (logic? haha). Pero dahil hindi siya Alaska player, si Abarrientos pa din ang primary bato ko. Kumbaga ‘pag natatalo na ako saka ko inilalabas si Meneses haha. Ang pinakamatinding kalaban ng teks kong si Abarrientos ay yung teks ng schoolmate ko… si Bal David ang picture! Hahaha.

1998. May basketball court malapit sa bahay namin. Yung bahay kasi namin kumbaga sa real estate terms, prime location. 20m mula sa basketball court and chapel, 100m mula sa school at sa ilog, dulo ng kalsada (as in yung kalsada that time sa likod ng bahay namin yung katapusan). Syempre pa lagi akong nanunuod ng mga laro sa court. Yung larong ang pustahan eh dalawang 1.5 na coke (na kami din ang may tinda. See, prime location talaga bahay namin, hehe).

Anyway, pag wala nang naglalarong matatanda, it’s our turn na. So kami pa din ni Nanad (my pinsan) ang magkalaban. Ako si Chambers sya si Strothers (nagshift na kasi siya sa San Miguel Beer that time). Binilhan pa ako ng Nanay ko ng sando na sinusuot ko pambasketball, kulay green tapos sa likod ang pangalan: CAIDIC, sa harap: San Miguel Beermen (Hahaha. Pangkalaban.) Epic fail. Si Nanad kasi bukod sa fan din ng PBA, magaling pa talagang mag-basketball. Yung tipong ‘pag kulang ang player ng matatanda, sya yung kukunin pampuno ng team. Mga 10 yrs old pa lang kami nito. At dahil hindi naman ako athletic at hindi ko kaya yung shooting form ng normal players, ang tira ko sa basketball, yung equivalent ng underhand serve sa volleyball. Yung sa may bandang tiyan ang kamay na may hawak ng bola, both palms are at the bottom of the ball, tapos saka mo ititira ng palobo (basta yun na yun, hirap ipaliwanag eh, hehe) . Ang tawag sa shot na yan, balibag tae. Syempre pa talo ang balibag tae shots ni Chambers 😦

2001. I was devastated. Abarrientos was traded to Pop Cola together with Poch Juinio in exchange of Ali Peek and Jon Ordonio tapos tinalo pa nila yung Alaska (twice to beat yung Pop) sa quarterfinals.Para sa akin, ang fan ng Alaska na hindi nalungkot sa pangyayaring ito ay hindi tunay na Alaska fan, hahaha.

2002. Eto ata yung time na si Derrick Brown ang import ng Purefoods. May game sila against Alaska sa finals, syempre sa radyo pa din ako nakikinig habang nakahiga at nakapikit. Dumating yung Kuya ko galing work (minsan lang sya umuwi sa bahay):

” Kuya Ko: Ano kaya nama’t areng isang are ay nakagarine?

Ate Ko: ‘Wag kang maingay, nagdadasal yan, matatalo na ang Alaska (Alaska fan din ang Ate ko, fan sya ni Captain Marbel (sounds like my name)-  Kenneth Duremdes.”

2003. Sa class namin nung high school, mga tatlo ata kaming fan ng Alaska. Madami akong classmates na fan ng SMB. Pag natatalo ang Alaska, kuyog ako sa kantyaw, pati yung dalawa pang fan ng Alaska kasali sa pang-aasar, bumabaliktad ang mga loko hahaha.

2003 pa din. Duremdes was traded for Sta. Lucia’s 5th overall pick (which turned out to be Cablay). Nag-champion ang Alaska sa Invitational Cup. Tagal na nila di nagchachampion that time. I think 2000 All Filipino ang last championship nila. Sabi ko sa Nanay ko:

 “Nay bili nyo akong dyaryo sa bayan “(every Sunday lang pumupunta ng bayan mga taga sa amin).

Ginupit ko yung news about Alaska winning a championship pero hindi ko naitago. Si Mike Cortez yung picture dun sa news.

2005. Nakikinood ako ng PBA sa bahay ng Ate ko (wala sila, may pinuntahan at sira ang TV namin). Kalaban ng Alaska ang Ginebra. Tambak, tapos hinabol at nanalo ang Alaska. Nagtatalon akokahit mag-isa at mapagkamalang nababaliw ng kapit-bahay. Noon pa man, aliw na aliw ako pag natatalo ng Alaska ang Ginebra. Haha, kailangan ko talagang isingit ito eh. (Peace Ginebra fans!).

2008. Nagkaroon ako ng client sa San Pedro, Laguna. ‘Pag pupunta kami sa office nila, madadaanan yung planta ng Alaska. Manghang-mangha ako ‘nun tuwing dadaan ‘dun. Sabay singhot. Amoy vanilla kasi. ‘Pag pauwi ako ng Batangas, di muna ako natutulog sa bus, binabantayan ko munang makadaan kami sa tapat nito sa SLEX. Ganyan ako ka-fan ng Alaska.

2011. Tim Cone left Alaska. I was super devastated. Sabi ko noon, kung aalis lang din siya, sana sa La Salle sa UAAP na lang sya lumipat. For me, it will always be weird seeing Tim Cone sitting in a PBA bench that is not Alaska’s. Kaso sa SMC pala siya lilipat. Since SMC teams ang rivals ng Alaska during 90’s and 2000’s, you can imagine how heartbreaking it is for me. Hahaha. Sabi ko noon:

“Paano na ngayon ‘yan? Lagi pa din kaya akong tatanungin ni Jean (isa ko pang pinsan na favorite team ang…. I guess, San Miguel? Haha..) ng : ‘Kuya Paps, si Tim Cone ba yung bata sa label ng Alaska?'”

2012. Alaska drafted The Beast. Nadagdagan ang nakasagutan at nakaaway ko sa FB. Hehe.

December 2012. Philippine Cup semis against TNT. I must admit, yung hustle and grit ni The Beast ang nagtulak sa akin na bumalik sa panunuod ng  PBA games. A friend offered me a  free ticket. Kaso pauwi ako ng Batangas. Sayang! Eh kasi naman 4 years na ako sa Makati that time (which is malapit both sa Araneta at MOA) pero hindi pa ako nakakanuod kahit isang live PBA game.  😦

2013. Feeling ko sobrang dami nang nagagalit sakin sa FB. Kasi yung timeline ko bumabaha ng posts about Alaska. It’s the Commisioner’s Cup and the long wait is over. Finally, a championship! Party ang Gatas Republik. Sa post ko, I thanked all the players and proclaimed that the glory days of Alaska is back tapos tinag ko yung mga friends ko na alam kong fan ng Alaska. Mga tatlo sila, haha.

***

Image

Image courtesy of Alaska Aces Facebook Fanpage (CTTO)

Wow! Habang sinusulat ko ito, narealize ko, magte-twenty years na akong fan ng Alaska!

Hanggang ngayon, nasa bucket list ko pa din ang makanuod ng kahit isang game lang ng Alaska. Pero kahit sa TV, radyo, Twitter at Facebook ko lang nasubaybayan ang Alaska, madami akong natutunan mula sa favorite team kong ito.

Tinuruan ako ng Alaska na kahit gaano mo kalimutan ang isang magandang parte ng iyong kabataan, muli’t muli mo din iyong babalik-balikan. Tinuruan ako ng Alaska na ang tagumpay ay hindi padamihan ng taong naniniwala kundi padamihan ng pusong nagtitiwala. Tinuruan ako ng Alaska na hindi masamang sumubok ng mga bagay na hindi mo nakasanayan. Tinuruan ako ng Alaska kung paano tanggapin ang masakit na sweep at kung paano ipagsaya ang matatamis na championships.  At higit sa lahat, tinuruan ako ng Alaska ng #wenotme.

***