batang spoiled

Ang Spoiled Mong Mundo

spoiled - pep.ph

Image from pep.ph

Nagdiriwang ba ang mundo dahil sa iyong panalo o dahil pumusta sila na ‘di ka matatalo?

Sa araw na ito, gusto kong malaman mo na minsan sobrang spoiled ng mundong nakapaligid sa iyo. Isang pagkakamali mo lang agad na itong nagrereklamo. Sa sobrang galing mong magtago ng ng tunay mong nararamdaman, akala nila okay lang na ikaw ay masaktan. Sa sobrang alam nilang “oo” lang ang kaya mong isagot, sa isa mong hindi, agad na silang humihikbi.

Yung parang kapag hindi na-knock – out ni Manny Pacquiao ang kalaban, di ba andami na agad umeepal? Na para bang ikatatalo nya kapag hindi nya napabagsak ang bugbog-saradong kalaban.

Ang isang bata ay lumaking spoiled dahil pinabayaan ng magulang sa kung ano ang gusto sa takot na siya’y umiyak. Ang spoiled mong mundo ay nangyari dahil natuto kang mabuhay ayon sa kung ano ang ikasisiya ng paligid mo.

Minsa’y hayaan mong umiyak ang bata para maranasan niyang masaktan. Masaktan at tumanggap ng kabiguan. Minsa’y hayaan mong lumuha ang mundo para sa kung ano ka at hindi para sa kung ano ang gusto nila.

Ang spoiled na bata ay kulang sa disiplina. Sa spoiled mong mundo, ikaw lang ang nagdudusa.