Author: marvelous36

Auditor by profession. A frustrated writer. And a tennis fan.

Tax Season is Over

Image

(Note: This was originally posted in the same blog on April 15, 2014.  Slight revisions were made.)

DECEMBER 31. Kasabay ng mga putukan at kasiyahan bago magpalit ang taon, hindi mo tiyak maiwaglit sa iyong isipan: December 31.  As of, for the year ended. Ang date na paulit-ulit mong isusulat sa mga FS at working papers na gagawin mo.

” TAX SEASON, BRING IT ON!”.

APRIL 15, the following year. Tiyak na nasa ATM mo na ang pinaghirapan mo sa nakalipas na labing limang araw. Pero kung ang iba ay aligaga nang gastusin ang kanilang mga sweldo, ikaw ay wala nang enerhiya para icheck pa kung pumasok na nga ba o hindi sa bank account mo ang figure na nakasulat sa payslip mong makapal na ang patas sa Accounting Dept. Tiyak na ang nasa isip mo na ay ang kama mong bagong palit ang bedsheet (syempre pinaghandaan mo ang araw na ito).

Habang iniisip mo ito, malamang nagfa-flashback na sa isip mo ang mga bagay na nagawa mo sa loob ng apat na buwan (o mahigit pa):

umattend ng kick off meeting

nahaggard dahil nalimutan mong ipa-schedule kay Boss ang kick-off meeting

gumawa ng audit requirements

gumawa ng audit procedure

nag-roll forward ng audit procedure from last year

nanghingi ng trial balance

gumawa ng adjustment sa trial balance

nag-reverse ng ginawang adjustment sa trial balance

nagtest of control

nagtest ng imaginary controls

nagvouch ng 1,230 samples

natuklasang wala palang exception sa 1,230 samples

naghanap ng nawawalang nine pesos

nagbreakfast ng hotdog ng 7-11 habang hinahanap ang nawawalang nine pesos

nakita ang transposition error na dahilan ng nawawalang nine pesos

naghanap ng nawawalang piso

naghanap ng nawawalang piso habang kumakain ng lunch na tinake-out ng officemate mong puro fiscal year ang kliyente

naghanap ng nawawalang staff

naghanap ng nawawalang senior

naglubog ng nawawalang piso

naghanap ng nilubog na piso ng auditor ng client mo last year

gumawa ng sangkatutak na eliminating entries

nag-sign off ng sangkatutak na working papers

nakipagtalo sa client dahil sa PAS 19

nakipagtalo sa officemate dahil sa PAS 19

umiyak dahil sa PAS 19

nakiiyak kasi nabalitaan mong napopromote daw ang mga umiiyak pag tax season

nagbilang ng inventory

nagbilang ng furniture and fixtures

natulog sa office gamit ang pinagdugtong-dugtong na furniture and fixtures

nag-adjust ng deferred revenue

nagcompute ng deferred tax

nagmuni-muni sa iyong deferred love life

tumakas sa office at nanuod ng Deadpool

bumalik sa office, makatulog sa desk at managinip na lahat ng FS ng mga clients mo ay ginawa ni Deadpool

nag-save ng “ABC Company FS v.1”

nag-save ng “ABC Company FS v.2 – final”

nag-save ng “ABC Company  FS v.3 – final na talaga ito”

sumakay ng bus ng feeling mabaho habang mukhang fresh na fresh ang ibang pasahero

sumakay ng bus na hindi pala dadaan sa inuuwian mo

nailagpas ng bus na sinakyan mo pauwi dahil nakatulog ka

nanakawan ng cellphone sa bus dahi nakatulog ka

gumawa ng madaming review notes

nag-dispose ng madaming review notes

nagdispose ng sarili mong review notes

nangopya ng FS discloure

nakitang hindi mo napalitan ang name of company sa kinopya mong FS disclosure

nabilugan ng malaki at nalagyan ng 3 question marks ng Engagement Partner / Manager ang hindi mo napalitang name of company sa kinopya mong FS diclosure

naduling sa dami ng box ng Income Tax Return form

nainis sa paulit ulit na information sa BIR Income Tax Return form

…. at marami pang iba

Sa loob ng mahigit apat na buwan, ang dami mong nagawa at pinagdaanan. Additional bonus na lang kung ilang FS ang narelease mo, sa huli, masusukat ang tagumpay ng tax season mo sa dami ng mga karanasan at kaalamang iyong natutunan.

Ang bawat pagpupuyat at mahahalagang okasyon na hindi napuntahan ay simbolo ng iyong sakripisyo. Ang bawat pisong hinanap mo kahapon at nakita mo kinabukasan ay simbolo ng mahabang pasesnsya at determinasyon. Ang bawat ubo, bawat luha, bawat pimple, bawat hikab at bawat kusot sa iyong nanlalabong mata ay simbolo ng iyong dedikasyon sa napili mong propesyon.

Sa lahat ng iyan, SALUDO AKO SA IYO!

Ngayong “slack season” paniguradong mahihirapan ka na namang mamili. Tutuloy pa ba o tama na? One more or no more? Ayoko nang mapuyat or give me more puyat? Anu’t anuman ang iyong mapagdesisyunan, binabati pa din kita. Para sa iyo, para sa lahat ng katulad mo:

 Cheers and job well done, KAIBIGAN!

Mga Tugmang Sarkastiko

MGA TUGMANG SARKASTIKO

Tumitibok ang puso ko para sa’yo dahil kailangan nito ng ehersisyo.

Lagi kang nasa isip ko dahil matutuyo ang utak ko kapag walang laman ito.

Oo, ginagawa ko ang lahat ng bagay para sa sarili ko Kaya huwag kang maging hambog at sabihing ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ligaya at lungkot sa buhay ko.

Dahil makasarili at sakim ako, at minahal lamang kita dahil kailangang umibig ng puso ko.

Pinabayaan kong bitawan mo ako dahil pagod na ang mga kamay ko.

Pumayag akong saktan mo dahil namamanhid na ako at kailangan ko ng kirot.

At ngayon, lumuluha ako dahil kailangang mabasa ang mga mata ko.

Oo, para sa akin at hindi para sa’yo ang lahat ng ito.

Dahil para sa akin, walang ibang mahalaga dito sa mundo kundi ako, ako at tanging ako.

Ako at ang mga tugma kong sarkastiko.

It’s A Trap!

Its a trap

noong sinabi mo sa akin na kailangan mo ng kausap,
noong sinabi mong  magdala ako ng pinakamatapang sa lahat ng alak,
noong pumatak ang iyong unang luha sa aking balikat,
noon pa dapat,
noon pa dapat alam ko na.
it’s a trap!

noong sinabi mong panoorin ulit natin ang ‘One More Chance’,
noong awang awa na ko sa walang humpay mong pag-iyak,
noong wala na akong magawa kindi ikulong ka sa aking mga yakap,
dapat noon alam ko na,
i  won’t be able to get out

nasilaw ako sa kapirasong keso.
lumapit ako sa ilaw na parang gamu-gamo.
para akong insektong nagpahuli sa sapot mo.

sumugod ako, alam ko.
ang hindi ko alam, sa likod ng mga damo,
may pamilyar na balong nakatago.
at nahulog uli ako.
right there and then, I should have realized
it’s a trap
and I won’t be able to get out

Buhos

LONDON, ENGLAND - OCTOBER 03:  A woman experiences the 'Rain Room' art installation by 'Random International' in The Curve at the Barbican Centre on October 3, 2012 in London, England. The 'Rain Room' is a 100 square meter field of falling water which visitors are invited to walk into with sensors detecting where the visitor are standing. The installation opens to the public on October 4, 2012 and runs until March 3, 2013.  (Photo by Oli Scarff/Getty Images)

Sa saliw mo nabubuo ang pinakamagagandang musika

Sa lamig mo nagtatammpisaw ang mga batang nagsasaya

Sa agos mo sumasabay ang mga luhang itinatago sa iba

Sa panahon mo nagpipiging ang mga pusong nagdurusa

Sa bawat buhos mo,

madaming himig ang nadidinig,

madaming puso ang gumagaan,

madaming ngiti ang nakikita,

madaming pait ang nabubura,

kaya sige,

buhos pa.

One Way

One Way

Madaya ka.

Madaya ka dahil alam mo.

Dahil alam mo na babalik ako.

Babalik ako kahit alam kong may mababangga ako.

Kahit alam kong masasaktan ako.

Kahit madaming busina pa ang marinig ko.

Kahit ilang “Putang ina mo!” pa ang isigaw ng mga makakasalubong ko.

Kahit lumabag pa ako ng isang milyong batas-trapiko.

Kahit ilang tiket pa ang abutin ko.

Kahit habulin pa ‘ko ng traffic enforcer na nakamotorsiklo.

Gagawin ko pa din ‘pag sinabi mong bumalik ako.

Babalik ako, dahil sabi mo.

Babalik ako, dahil sabi mo, one way lang ang daan papunta sa puso mo.

One way.

One way at dead end ang dulo.