Month: June 2015

Gusto Ko Sana. Gusto Kita. (The One With All the Imbentos)

Gusto Ko Sana

Paano mo kaya malalaman na palihim kitang sinusulyapan?

Paano mo kaya malalaman na palihim kitang tinitingnan kung piniringan niya ang iyong mga mata habang akay-akay ang iyong kamay?

Paano mo kaya malalaman na habang tinatanggal niya ang piring sa iyong mga mata, ako’y humihiling na sumulyap ka sa akin?

Pero, mukhang gulat na gulat ka na sa kanyang sorpresa.

Gulat na gulat at tuwang-tuwa.

At sa labis mong katuwaan, nalimutan mo na nag iyong paligid.

Kasama na ako.

***

Gusto ko sanang hawakan ang iyong kamay.

Ngunit bago ko ito magawa, ang mata ko’y nasilaw. Nasilaw ng brilyante mula sa singsing na kanyang ibinigay.

Mabuti na lamang at mula sa kislap niyon ay di mo napansin ang aking mukha.

Dahil malamang, bakas na baka doon ng kagustuhan kong tanggalin ang singsing na kanyang inilagay.

At palitan ito ng kahit na ano. Kahit na ano, bastta’t ang kahit anong iyon ay nanggaling sa akin.

Kahit laso, kahit panahi, kahit ano,

Basta’t hugis bilog,

Basta’t kasya sa palasingsingan mo,

Basta’t kayang takpan ang namuting bahagi ng daliri mo dahil sa singsing na galing sa kanya.

Ngunit alam kong kung gagawin ko ito, ikaw ay masasaktan.

Bakit hindi eh hulmang-hulma ang singsing sa iyong palasingsingan.

Malamang. Eh lagi niya itong nahahawakan. Kaya nasaulo na niya siguro kabuuan ng iyong kamay.

***

Gusto ko nga sanang ikaw ay akbayan.

Katulad ng dati, yakapin ka habang nagkukwentuhan.

Ngunit paano? Nakasandal ka na sa balikat nya.

Ang espasyo ay para lamang sa dalawa.

Siguro ay tama lamang naman, Ano bang silbi ng balikat ko sa’yo?

Hindi ba’t iyakan lang naman tuwing ikaw ay nasasaktan?

Ngayon, kung iiyak ka man, ibang uri ng luha ang tutulo sa iyong mga mata. Luha ng katuwaan.

Ang galing nga eh! Naididikta din pala ng luha kung aling balikat ang dapat niyang luhaan.

***

Gusto ko sana. Gusto sana kita.

Kaya lang, sa kanya ka na.

At sabi mo, masaya ka. Kaya sasarilinin ko na lamang.

Ayaw ko nga sanang hugutin, ayaw ko na sang usalin. Ayaw ko na sanang sa’yo ay sabihin.

Pero ngayon ay aking pasasabugin. Dahil alam kong hindi mo naman din mapapansin.

Dahil may panibago na naman syang piring.

Dahil malapit na niyang ibigay ang pangalawang singsing.

Dahil ang balikat nya ay sinlawak ng EDSA.

Dahil masaya ka na.

Gusto kita, pero mas tamang mapasakanya ka.