Month: December 2014

Ako’y May Isang Tula: Notes to Self

notes to self

(ONE)

Maglaan ka ng isang araw para sa Kanya

Pumikit ng maiigi at bumulong ng pagsamba

Hindi lang mga hiling mo ang mahalaga

Maging pasasalamat ay nadidinig Niya

(TWO)

Maglaan ka ng isang araw para humabi

Ng kuwentong hindi tungkol sa sarili

Ng kuwentong magbibigay ng ngiti sa ibang labi

Ng kuwentong baon mo, saan ka man magawi

(THREE)

Maglaan ka ng isang araw upang ngumiti

Dahil nagawa mo ang bagay na iyong pinili

Dahil sinubukan mong ang iyong takot ay magapi

Dahil nagsikap ka at ikaw ay nagwagi

(FOUR)

Maglaan ka ng isang araw upang mag-alala

Dahil ang buhay ay tila isang nobela

Kung walang mga hadlang, parang hindi maganda

Parang wlaang saysay ang tagumpay ng bayaning bida

(FIVE)

Maglaan ka ng isang araw upang masdan ang langit

At pakinggan ang hangin sa malamyos niyang pag-awit

Huwag mahiyang ituro ang mga ibon sa himpapawid

Iwanang sandali, magulo mong paligid

(SIX)

Maglaan ka ng isang araw upang sumigaw

Upang alisin ang sakit kahit pa mapagaw

Upang bumalik sa tamang landas mula sa pagkakaligaw

Upang punuin ang dibdib ng apoy na ‘sing init ng araw

(SEVEN)

Maglaan ka ng isang araw upang umibig

Sa sarili, sa kapwa, sa bayan, sa agham at sa sining

Sa mga tao at bagay na nais mong kulungin

Sa loob ng iyong bisig bago magtakipsilim