Month: May 2014

Eh Tanga Ka Pala Eh!

Image

“‘Ba-hay, bahay’. Ganyan mo din ba binasa ang salitang ‘kubo’ na may katabing drawing ng nipa hut sa abakada noong bata ka pa? 😀 “

Sa araw na ito, gusto kong malaman mo na madami na talaga ang tamad magbasa sa panahon ngayon. Pero madami din ang mahilig mag-interpret ng mga bagay hindi naman nila binasa. Madami ang sapat nang makakita ng picture o title para manghusga.

Isa sa pinakamalaking problema ng modernong lipunan ay ang dami ng taong pinipiling maging mangmang dahil sa katamadan. May pagkain nang nakahain sa mesa, sinubuan mo na pero tinamad pang ngumuya kaya nilunok na lamang.

Tapos pipiyok pa ‘pag pinagbintangang tanga dahil sinabi niyang matamis ang asin dahil may label itong sugar.

Eh tanga ka pala eh!

Ako’y May Isang Tula: Double Murder

Illustration by Jho

puno ang punyal ng limahid ng kalawang

humalo ang madilaw na kulay nang ito’y mahawakan

ng makalyong palad ng lalaking ‘di alam ang pangalan

 

kasabay ng tahol ng aso sa tarangkahan

unti-unting nahutok ang hagdang kawayan

bago umingit ang gatóng sahig sa batalan

***

nakakapaso ang hulab ng hanging galing silangan

masarap ang dampi ng tubig lalo na’t pawisan

umaagos ang putik na maghapong dumikit sa katawan

 

gutom na ang asong nakatali sa tarangkahan

dalas-dalas na ang buhos, ang tabo ay taguktukan

naubos na ng yatyating matanda ang laman ng tapayan

***

dumikit ang pawis sa kalawanging punyal

bumagsak ang baong tabo sa pilak na tapayan

nagkulay-dugo ang putik habang iniiwan ang katawan

 

tahimik ang asong puting tila napainan

payapa ang gabing singkar ang kabanasan

ngunit malamig ang katawang nakalatag

sa gatóng sahig ng batalan

 

malamig ang tubig sa pisngi ng lalaking ‘di alam ang pangalan

kulay dugo ang mata habang kamay ay tinititigan

bumigay ang hagdanang kawayan nang muling niyapakan

patay na ang asong puti nang ito’y  madaanan