Month: October 2013

Ang Sukli

Screw DriverSa araw na ito, gusto kong malaman mo na may mga driver talaga na hindi nagsusukli. Ang mga driver na ito ‘yung tipong hindi mo alam kung kulang lang sa Math, hindi nag-aral ng honesty sa GMRC o kaya naman ay nagpakadalubhasa sa PSP (Philippine School of Panggugulang).

Pero hindi lahat ng di nasusuklian ay nalilimutan. Minsan ang kailangan mo lang gawin ay magtanong. Ang pagbabayad sa jeep ay parang relasyon lang din. Minsan hintay ka nang hintay ng sukli pero ang di mo alam, ang bayad mo ay kulang.

Ako’y May Isang Tula: Ang Lalaki Sa Lumang Dalawang Piso

Dalawang PisoKayong mga nasa katungkulan

Sana ang puno sa likod ko ay tularan

Handang magbigay ng tahanan

Handang pawiin ang uhaw ninuman

Handang lamnan ang sikmurang kumakalam

***

Sa Lalaki sa Lumang Piso

Kahanga-hanga ka, aking kaibigan

Dahil sa iyong kapuri- puring ambag sa ating bayan

Madaming kalye at eskwelahan

Sa iyo ay ipinangalan.

Hindi katulad ng iba diyan

Gamit ang salapi ng taumbayan

Nagpatayo ng ospital at paaralan

Nagpagawa ng kalsada at mga tulay

At dinikitan ng kanilang mga pangalan.

***

Sa Insekto Sa Likod ng Lumang Bente Singko Sentimo

Sana’y kagaya mo ang aking Inang Bayan

Makulay, malaya at walang pinangangambahan

Hindi kinatatakutan ng mga dayuhan

Ngunit handang lumaban kung kinakailangan

***

Sa Bulakalak Sa Likod ng Singko Sentimo

Sana ang lahat ng Pilipino

Aking munting halaman ay katulad mo

Hindi kahiya-hiyang ilagay sa pahina ng mga libro

Hindi madamot magbahagi ng bango

***

Sa Sungayang Hayop Sa Likod ng Lumang Piso

Sana ang mga kabataan sa ngayon

Taglayin ang mga katangiang ikaw ay mayroon

Sana’y handa silang maghila muna ng kariton

Bago manginain ng damo at lumaboy

***

Ang ating buhay ay parang barya

Minsa’y makalansing at mabigat sa bulsa

Ngunit kung tama ang pagkakaipon sa alkansiya

Sa araw-araw, may pamasahe ka

Trust

Trust_wmSa araw na ito, gusto kong malaman mo na hindi lahat ng nakikita mo at naririnig ay totoo. Pero ano ba ang katotohanan tungkol sa katotohanan?

1. Mas nagtiwala ka sa isang bagay na inakala mong totoo, mas masakit kung hindi pala.

2. Mas paniniwalaan mong totoo ang isang bagay kung malapit sa puso mo ang nagsabi, nagpakita o nagparamdam nito sa iyo.

Logic will easily connect the two premises listed above.

Your trust depends on someone’s proximity to your heart. Your hurt depends on how hard you trust.

Ang Damit Na Nakalimutan

Ang Damit na NalimutanSa araw na ito, gusto kong malaman mo na meron talagang mga tao mula sa iyong nakaraan na tunay mong kinakainisan. Sila yung parang damit mong luma na matagal nang nakatago sa lalagyanan. Excited ka kapag nakita mo uli kasi nadagdagan ang iyong pagpipilian. Pero pag nasuot mo na uli, saka mo matutuklasan kung bakit mo nga ba iyon kinalimutan. Madaling magusot, walang bulsa, may mantsa sa kili-kili o di kaya naman, di bagay sa iyo ang kulay.

Pero ang nalimutang damit, para ding pagkakaibigan. Kahit nalimutan man o namantsahan, hangga’t nasa cabinet pa maaala mo pa din at maaalala.

Lahat ng nalimutang damit muli at muli, tiyak mong makikita. Puwedeng dahil gusto mong suotin uli at bigyan ng second chance. Puwedeng dahil gusto mong labahan, i-hanger at muling isama sa araw-araw mong pagpipilian. O puwedeng dahil gusto mo nang ipamigay at tuluyang pakawalan. Ang pagpapasya ay nasa iyong kamay.

Ang Jeep Na Puno Ng Pasahero

Traffic lightSa araw na ito, gusto kong malaman mo na hindi lahat ng opportunities kailangang i-grab agad-agad. Kailangan mo munang huminto at mag-isip.

Hindi dahil walang traffic light at walang traffic enforcer sa isang road intersection, puwede ka nang mag-overtake at humarurot.

Hindi ka motor. Hindi ka bike. Jeep ka. Jeep na punong-puno ng pasahero. Jeep na punong-puno ng pasahero sa isang school zone malapit sa isang intersection.

Ang Acceptance

AcceptanceSa araw na ito, gusto kong malaman mo na hindi mo matatapos ang isang gawain kung hindi mo i-aaccept na kailangan mo iyong tapusin.

Paano mo yayakapin ang isang taong hindi naman nakabukas ang mga kamay para sa’yo. Na kung pipilitin mo namang yapusin, hindi naman yayakap pabalik sa’yo. Di ga’t parang kulang?

Ang acceptance ang susi sa pinto ng alinlangan at katamaran.

Being Single Is Not A Choice

Sa araw na ito, gusto kong malaman mo na hindi masama ang maging single. Ang masama, yung magpanggap na single ang hindi naman talaga single.

Being single is not a choice. But getting into a relationship should not be treated as a profession either. Hindi kailangang career-in at hindi din kailangang i-practice religiously and simultaneously.

Enjoy being single and other singles will enjoy you, hahaha.

Pakikipaglandian Sa Ligaya

TimeSa araw na ito gusto kong malaman mo na kulang ang 24 oras para gawin ang lahat ng mga bagay na gusto mo. Kaya hangga’t maaari, gawin mo ang mga bagay na makakapagpasaya sa’ yo.

Makakapagpasaya at hindi makakaaliw. Ang pagkakaiba ng dalawa ay nasa tagal ng mararamdaman mong ligaya. Matagal ang dulot na ligaya ng pagiging masaya, panandaliang pakikipaglandian sa ligaya ang dulot ng pagkaaliw.

Aling Isda ang Sariwa?

Sa araw na ito, gusto kong malaman mo na hindi dahil tinawag kang Ate o Kuya ay inaakala nilang mas matanda ka sa kanila.

Ang salitang Ate o Kuya ay hindi lamang batayan ng gulang. Maaari din itong maging batayan ng level ng pagkabihasa, dami ng kaalaman, haba ng karanasan at tagal ng pagsasama.

Katulad ng tinatawag mong ate ang tindera sa palengke dahil mas expert sya kung aling isda ang sariwa. Katulad ng tinatawag mong kuya ang bago mong officemate dahil hindi mo pa sya masyadong kilala.

Madaming ibig ipakahulugan ang tawagang Ate at Kuya. Kaya kung Ate o Kuya ka na sa ibang tao, wag kang masasaktan. Baka naman ang tingin lang nila sayo ay mas maalam ka, mas makaranasan ka o kaya naman baka hindi pa kayo close.